Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na pumalo na sa halos 15,000 mga indibidwal na ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Betty sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, aabot na sa kabuuang 14,908 na mga indibidwal o may katumbas na 3,821 na mga pamilya na ang apektado ng nasabing bagyo mula sa 94 na mga barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region.
Sa ngayon ay mayroon na ring 5,981 na mga indibidwal o 1,815 na mga pamilya ang isinailalim sa preemptive evacuation.
Nagkakahalaga naman sa Php68,695 ang napaulat na pinsalang idinulot ng nasabing bagyo sa mga imprastraktura sa CAR, habang nasa limang kabahayan naman ang napaulat na nasira sa mga lalawigan ng Ilocos, Central Luzon, at CAR.
Bukod dito ay nararanasan din ang ngayon ang ilang power interruptions sa 14 na mga lungsod at munisipalidad sa CAR, habang nasa kabuuang 123 domestic flights, at 18 international flights naman ang kinansela sa nasabing lalawigan, at maging sa Cagaya, at National Capital Region.
Suspendido rin ang operasyon ng 72 pantalan sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas, at gayundin ang nasa 313 na mga klase at 99 na mga trabaho sa nasabing mga apektadong lalawigan.
Samantala, sa kasalukuyan ay iniulat rin ng NDRRMC na umaabot na sa Php1,958,008 ang katumbas na halaga ng tulong na naipamahagi na ng mga kinuukulan sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Betty sa Pilipinas.