BAGUIO CITY – Aabot sa 40 kahon na naglalaman ng 960 bottles ng 2×2 gin ng isang sikat na brand ng alak ang ginamit ng lokal na pamahalaan ng Itogon, Benguet, bilang spray sa municipal grounds at sa mga sasakyan ng pamahalaan.
Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, ang mga nasabing alak ay nakumpiska ng mga pulis sa checkpoint mula sa mga lumabag sa umiiral na liquor ban sa lalawigan mula nang magsimula ang community quarantine dahil sa deadly virus pandemic.
Pinangunahan ng alkalde kasama ang iba pang mga municipal officials at pulis, ang pagbuhos sa laman ng mga bote ng gin sa isang drum na namarkahan bilang “special waste’ na siyang ginamit nilang disinfectant sa mga sasakyan at sa municipal grounds.
Paliwanag ni Palangdan, ang ginawa nilang pag-spray gamit ng mga gin ay paraan ng kanilang pag-dispose para maiwasan ang pag-recycle sa mga ito kasabay ng paglilinaw na ang mga gin ay hindi disinfectant.
Dinagdag nito na gusto nilang ipakita na seryoso ang lokal na pamahalaan ng Itogon sa pagpapatupad ng liquor ban at sinomang lalabag dito ay maaaresto at masasampahan ng kaso.
Batay sa alituntunin ng Department of Health, maaring gawin ang disinfection bilang infection prevention and control measure laban sa virus gamit ang household cleaners at disinfectants, diluted household bleach solutions o solutions na may lamang at least 70 percent alcohol samantalang ang mga 2×2 gin ay naglalaman 40% alcohol.