Hindi masabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung magkano ang buwis na kanilang nakolekta mula sa online business magmula nang ipinatupad nila ang memorandum na nagbubuwis sa mga online sellers noong 2013.
Sa pagdinig ng House ways and Means Committee, sinabi ni BIR Operating Group Deputy Commissioner Arnel Guballa hindi nila matukoy sa ngayon kung magkano ang nakolekta nila mula sa online businesses sa nakalipas na pitong taon dahil wala aniya silang “industry code” kaya hindi nila ma-capture ang impormasyon patungkol dito sa kanilang data system.
Sa ngayon, mano-mano aniya nilang nire-retrieve ang naturang datos, bagay na ikinadismaya ng ilang kongresista, partikular na si ACT Teachers party-list Rep. France Castro.
Ayon kay Castro, tila may “criminal negligence” aniya ang BIR sa pagpapatupad ng memorandum nilang ito.
Nauna nang sinabi ng Malacañang at Department of Finance na ang mga online business na kumikita ng mababa sa P250,000 kada taon ay hindi kailangan magbayad ng buwis.
Walang dapat na ikabahala anila ang maliliit na online sellers patungkol dito kahit pa magparehistro sila sa Department of Trade and Industry.