Labis ang pasasalamat ni Philippine Red Cross Chairman Senator Richard Gordon sa mga pinuno ng iba’t ibang paaralan at local government units (LGUs) na hindi nagdalawang isip na tumulong sa pandemic response effort ng naturang humanitarian organization.
Ito raw kasi ang kauna-unahang beses na nagkapit-bisig ang mga paaralan para tumulong. Nagsisilbi aniyang hudyat ito na dapat matuto ang lahat sa pakikiisa ng mga pinuno ng mga paaralan.
Nagpasalamat din si Gordon kay De La Salle Philippines President Br. Armin Luistro matapos nitong pumayag na gawing isolation facility ang ilang hindi nagagamit na classroom ng naturang unibersidad.
Gagamitin ang 135-bed capacity isolation facility na ito para tulungan ang mga asymptomatic patients.
Ayon kay Gordon, mahalaga ngayon ang mabilis na pagdedesisyon ng mga pinuno at siguruhin na mareresolba ang problema.
Bukod sa La Salle, humingi rin ng tulong ang Red Cross sa Ateneo De Manila University (AdMU), University of the Philippines (UP)-Diliman, at Adamson University (AdU) para gawing pansamantalang isolation facilities ang ilang silid-aralan na hindi nagagamit.
Sinimulan ang proyekto na ito dahil sa pangangailangan na dagdagan ang mga isolation facilities dahil sa pagsirit ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Naniniwala naman ang senador na dahil sa pagiging bukas ng mga paaralan at LGUs na tumulong ay mas lalo pang lalakas ang laban ng bansa kontra sa nakamamatay na virus.
Kung kaagad daw kasi na sasailalim sa isolation ang mga asymptomatic patients, malaki rin ang tsansa na hindi na kakalat pa ang sakit.
Ang bawat pasyente ay bibigyan umano ng ‘quarantine kit.’ may araw-araw na suplay ng pagkain, at may access sa telemedicine kung kailanganin nilang makausap ang mga doktor.
Dagdag pa nito na magbibigay ang Red Cross ng mga ambulansya sa mga paaralan na ginawang isolation facilities upang tumulong sa transportasyon ng mga pasyente.
Tutulong din ang ahensya sa paglalagay ng mga isolation beds, pamimigay ng supplementary hot meals, pagkakaroon ng shower rooms, at araw-araw na monitoring sa kondisyon ng mga pasyente.