-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Ibinahagi ni Eva Tinaza, Bombo international correspondent mula sa Madrid, Spain, na bibihira na mangyari ang hailstorm sa Spain.

Ayon kay Tinaza, normal na kapag umulan doon ay maliliit lang ang patak kaya nagulat ang maraming tao sa pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo dulot ng hailstorm sa Catalonia, Spain.

Dahil dito ay nag-iingat na umano ang mga tao doon kasunod ng pangyayari.

Napaulat na isang batang babae ang nasawi nang tamaan sa ulo ng yelo at mayroon pang 50 katao ang nasaktan.

May mga sasakyan, bubungan at iba pang gamit ang napinsala.

Ilan kasi sa mga bumagsak na mga yelo ay kasinglaki umano ng kamao ng tao.

Ayon sa Catalan meteorological office o MeteoCat, ang nagbagsakang hailstones sa Catalonia ang pinakamalaki na naitala sa nakalipas na dalawang dekada.

Karaniwan umanong nangyayari ang hailstorm dahil sa matinding thunder storm.