-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nag-iwan na ng pitong casualties ang Super Typhoon Rolly sa Albay.

Sa ulat ng Office of the Civil Defence (OCD)-Bicol, kabilang sa mga nasawi ang dalawang residente mula sa bayan ng Malinao, habang tig-isa mula sa mga bayan ng Daraga, Guinobatan, Oas, Polangui, at Lungsod ng Tabaco.

Hindi naman madaanan ang Legazpi hanggang Sto. Domingo- Tabaco City to Camarines Sur boundery road, dahil sa pag-apaw ng tubig-baha.

Samantala, tila bumalik sa alaala ng mga residente ang nangyaring trahedya ng Bagyong Reming noong 2006 kung saan maraming bahay ang natabunan na siyang sinapit ngayon ng Guinobatan.

Sa mga oras na ito ay lubog pa rin sa lagpas taong baha ang mga bayan ng Polangui at Jovellar kaya nakaalerto ang local Disaster Risk Reduction and Management officials para sa marami pa ring mga Albayanong nananatili sa mga evacuation centers.

Sa kabilang dako, inihayag ni PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) Director Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naka-detect sila ng lahar signal sa Southern portion ng Bulkang Mayon dulot pa rin ng super typhoon.