-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Isinusulong ng Sangguniang Bayan ng Malay na gawing legal ang operasyon ng habal-habal sa Isla ng Boracay upang matulungan ang mga pasahero at mabigyan ng trabaho ang mga mahihirap na pamilya sa lugar.

Ayon kay SB member Alan Palma, Sr., isa sa co-author ng panukalang ordinansa na panahon na upang magkaroon ng alternatibong transportasyon sa Boracay.

Iginiit ni Palma na may mga lugar sa isla na hindi kayang pasukin ng mga e-bike at mga sasakyan ng Boracay Land Transport Multi Purpose Cooperative dahilan na dapat ikonsidera ang habal-habal operations.

Subalit, kailangan umanong bumuo muna ng isang organisasyon o kooperatiba ang mga motorbike owners upang maiwasan ang fly-by-night.

Ang pagsuporta sa habal-habal operations ay bilang paghahanda rin sakaling magkaroon aniya ng krisis sa kuryente o kalamidad.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa umano nila ang mga kaukulang batas at mga best practices ng mga service provider sa Metro Manila katulad ng Angkas na maaring ma-adopt lalo na ang safety and protection upang makakatiyak sa kaligtasan hindi lamang ng mga pasahero kundi ng mga riders din.

Ang naturang panukala ay nakatakdang isalang sa ikalawang pagbasa ng konseho.