-- Advertisements --

Patuloy pa ring umiiral ang southwest monsoon o “habagat” na nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kahit medyo humihina na ito sa mga susunod na araw, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa ilang lugar.

Sa mga lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan na maaaring umabot ng 50 hanggang 100 millimeters. Babala ng state weather bureau, posibleng magdulot ito ng flash floods at landslides, lalo na sa mga bulubundukin at mabababang lugar.

Inaasahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Pampanga, Bataan, Tarlac, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, at iba pang bahagi ng Ilocos Region.

Wala ring inaasahang mabubuong low pressure area o papasok na tropical cyclone sa Philippine Area of Responsibility sa susunod na ilang araw.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized convective activity.

Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto dahil kahit humina ang habagat, maaari pa ring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa ang malalakas na thunderstorms, lalo na sa mga delikadong lugar.