Ipinasara ng pamahalaang lokal ng Pasig ang isang fitness gym sa Barangay Manggahan, Pasig City habang nasa 32 indibidwal ang inaresto kabilang ang may-ari dahil sa paglabag sa quarantine protocol lalo na at nasa Enhanced Community Quarantine pa ngayong araw ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Pasig City Police Office Chief Col. Roman Arugay, kanilang inaresto ang may-ari ng nasabin gym kabilang ang dalawang instructor at caretaker habang tinikitan naman ang nasa 28 indibidwal dahil sa hindi pagsunod sa minimum public health standard lalo na ang social distancing.
Ayon kay Arugay, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa operasyon ng isang gym kung saan nagtipon tipon dito ang ilang mga indibidwal para mag ehersisyo partikular na tinukot ang Kickstart Fitness Gym sa Amang Rodriguez Avenue.
Dinala sa Pasig City Police Station-8, ang mga nahuling indibidwal na sina Francis Dominic Balones, gym owner; Jaster Garcia, gym instructor; alyas Justine na 20-anyos; at John Dado na siyang caretaker habang winarningan at tinikitan ang nasa 28 iba pa na nasa loob ng gym.
Siniguro ni Col. Arugay na sasampahan ng kaso ang may-ari ng nasabing gym.
Katuwang ng mga pulis sa paglalagay ng signage closure ang mga tauhan Business and Licensure Office ng Pasig City Hall.