-- Advertisements --

Dinepensahan ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo ang mga rekomendasyon nito para sa COVID-19 response na minaliit ng Malacanang.

Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang mga nakasaad sa walong-pahinang liham ng pangalawang pangulo na ipinadala kay Presidential spokesperson Harry Roque ay bunga nang naging konsultasyon nito sa ilang mga eksperto.

“Nagawa ang mga ito upon consultation with mga public policy experts, mga doktor, mga siyentista. Marami doon hindi pa na-i-implement ng pamahalaan,” ani Gutierrez sa isang interview.

Kamakailan nang sabihin ni Roque na bagamat kinikilala ng Palasyo ang mga rekomendasyon ng bise presidente, ay nauna nang ipinatupad ng pamahalaan ang mga ito.

Pero para sa tagapagsalita ng pangalawang pangulo, tila hindi binasa nang maigi ng presidential spokesperson ang liham ni Robredo.

“Iyon na lang simpleng usapin ng pagkakaroon ng online portal para updated ang status ng mga donasyon, ang status ng gastos, ng budget, ang status ng iba’t ibang mga programa, hindi iyon na-implement, eh.”

“(Yung) proposal na simulan na sanang i-roll out iyong paggamit ulit ng mga jeep para mayroong masakyan ang mga tao at para magkatrabaho sila pero lagyan natin ng mga safety measures, gaya noong pino-propose ng mga ilang design experts, hindi pa rin naro-roll out iyon.”

Nakasaad sa kopya ng isinapublikong liham na July 1 natanggap ng opisina ni Roque ang ipinadalang sulat ni Robredo noong June 30.

“Kung ang tingin ni Harry ang lahat ng ito ay nagawa na, hindi ito bago, hindi niya nabasa nang mabuti itong letter. Kaya nga medyo napilitan kaming ilabas iyong letter para maging klaro sa lahat ano ba talaga ang laman nito at hindi lang nakabatay doon sa sinabi ng aking kaibigang si Harry,” dagdag ni Gutierrez.