-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Magpapatupad ng gun ban ang pulisya sa dalawang linggong selebrasyon ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival sa Enero 2023.

Ito ay makaraang naipadala na sa Kalibo Municipal Police Station ang aprubadong resolusyon ng Sangguniang Bayan na iniakda ni SB member Ronald Marte.

Nakasaad sa resolusyon ang kahilingan kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na magpatupad ng gun ban bilang isang hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng mga makikisaya sa buong selebrasyon.

Hangad umano nilang magkaroon ng zero gun-related incidents sa panahon ng festival.

Dagdag pa na ang permits to carry firearms outside residence ay suspindido sa nasabing okasyon. Kasama sa ipagbabawal ang mga matutulis na bagay.

Ang gun ban ay ipatutupad sa unang linggo ng Enero at magtatagal hanggang ikatlong linggo ng buwan.

Ang Ati-Atihan ay isa sa mga dinadayong festival sa buong Western Visayas kung saan inaasahang bubuhos ang mga tao kasunod ng halos dalawang taong pagpapaliban ng face to face na selebrasyon dulot ng pandemya.

Sa kabilang daku, inilalatag na ngayon ang ipatutupad na patakaran sa gitna ng COVID 19 pandemic.

Pinag-uusapan pa kung oobligahin ang publiko na magsuot ng face mask.

Pinaghahandaan na rin ang ipatutupad na traffic re-routing scheme.