DAVAO DE ORO – Hindi parin madaanan ang Shadol o Maragusan – New Bataan Highway matapos na gumuho ang bahagi nito nang maramdanan ang sunod-sunod na lindol sa probinsya ng Davao de Oro mula pa kahapon, Marso 6.
Ayon sa report ng lokal na pamahalaan ng Maragusan, inabisuhan na ang mga motorista na hindi pa muna madadaanan sa ngayon ang gumuhong bahagi ng highway ngunit maari namang gamitin ang alternatibong ruta mula Maragusan patungong New Bataan gamit ang Magangit road.
Naitala ng PHILVOLCS ang tatlong malalakas na lindol kahapon ng madaling araw sa probinsya kung saan isa niyan ay nasa Magnitude 5.2 na pinakamalakas na naitala bandang alas-4:43 ng madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Sergs Opeña, Information Officer ng Maragusan, Davao de Oro, sinabi nito na nagpalabas ng suspension advisory ang Maragusan LGU para sa mga pampubliko at pribadong paaralan maging sa mga trabaho ngayong araw upang magsagawa ng mga inspection sa mga gusali at upang matiyak rin ang kaligtasan ng publiko.
Nagpasalamat naman ang Maragusan LGU sa National Government sa patuloy nitong pagbibigay ng tulong at patuloy na pangungumusta sa kalagayan nga ng nasabing lugar.
Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng probinsyal na pamahalaan ng Davao de Oro ng monitoring at consolidation ng datos sa mga apektadong lugar lalong lalo na na mayroong naireport na mga kabahayan na nagtamo ng damyos matapos ang sunod-sunod na lindol.
Sa kabilang banda, Ilang bahay ang nasira o nawasak sa Barangay Paloc, Maragusan Davao De Oro matapos niyanig ng lindol ang lalawigan alas-1:00 ng madaling araw kahapon.
Personal naman na bumisita si Maragusan Mayor Angelito “Lito” K. Cabalquinto upang magsagawa ng inspeksyon sa lungsod, at upang suriin ang sitwasyon ng Davao De Oro Provincial Hospital- Maragusan at ang kondisyon ng nasabing istraktura at mga pasyente nito.
Batay sa talaan ng PhilVocs, ang epicenter ng lindol ay matatagpuan sa New Bataan sa Davao De Oro, kung saan nararanasan ang mild aftershocks hanggang ngayon.