Guimaras tragedy

ILOILO CITY – Pansamantalang itinigil ang search operation sa paghahanap sa mga nawawalang pasahero ng tumaob na tatlong bangka sa Iloilo Strait dahil sa masamang lagay ng panahon.

Pinakahuling narekober ay 11 bangkay na sakay ng tumaob na M/B Jenny Vince, kung saan mula sa Iloilo Strait, napadpad ang bangka sa Ro-Ro port sa bayan ng Dumangas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Senior Chief Petty Officer Marlon Buenavista, substation commander ng Philippine Coast Guard-Dumangas, sinabi nito na sa nasabing bilang, isa ang bata, dalawa ang lalaki at walo ang babae.

Sa 25 naman na nasawi, 13 rito ang hindi pa nakikilala habang ang 12 ay tukoy na ang identity.

Samantala, naiangat na ang M/B Jenny gamit ang boom truck upang hindi maging sagabal sa dumadaong na Ro-Ro vessel sa Ro-Ro port sa Dumangas, Iloilo.