‘Lalo pa umanong nagiging suspense para sa mga royal watchers ang nalalapit na pagkakaroon na ng baby nina Meghan at Prince Harry.

Una na kasing napabalita na kung hindi ngayong buwan ay sa papasok na Mayo ang kabuwanan ng Duchess of Sussex.

Ang hula-hula sa magiging unang baby ng Britain’s Duke at ni Meghan ay mula pa noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Misteryo rin para sa iba na hanggang ngayon ay hindi pa kinukumpirma kung ano talaga ang gender ng panibagong dagdag sa royal family.

Inaasahan naman ng mga tagamasid na tulad sa ordinaryong mag-asawa ay tiyak na raw na meron nang ipapangalan si Meghan sa kanilang magiging anak at hindi lamang ito ibinubulgar pa sa publiko.

Hindi naman naiwasan sa mga mahihilig manghula na posibleng kabilang daw sa magiging pangalan ay ang pagbibigay tribute sa kanilang grandparents na maaaring ikabit sa middle name ng bata.

Tulad na lamang daw nang matunog na Diana (na siyang ina ni Harry) kung babae o kaya idagdag ang Victoria (mula sa great, great, great grandmother ni Harry).

Kung baby boy naman daw meron ding popular royal names tulad ng Arthur, Edward at Philip (pangalan ng grandfather ni Harry).