Kumbinsido ang watchdog group Infrawatch PH na hindi madadala o madadaan sa petisyon ng isang grupo ng mga negosyante si Ombudsman Samuel Martires sa harap ng ilang panawagan na baliktarin ang dismissal order laban kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Cesar Chiong.
Ang pahayag ay ginawa ni Infrawatch convenor Atty. Terry Ridon makaraang umakyat sa Court of Appeals (CA) ang kampo ni Chiong para kuwestiyunin ang pagsibak sa kanya ng Ombudsman.
Sinabi ni Ridon na kilala si Martires sa pagiging patas niya sa kanyang mga nakaraang desisyon, kabilang na ang laptop anomaly sa Department of Education (DepEd) at Pharmally issue.
Naniniwala si Ridon na hindi babaguhin ni Martires ang hatol nito laban kay Chiong kahit na ipinagtatanggol siya ng business groups dahil mga ebidensya ang pinagbatayan ng Ombudsman sa nasabing desisyon.
Sa katunayan aniya, sa unang taon sa Ombudsman ni Martires sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pinatunayan nito ang kanyang ‘independence’ matapos i-urong ang reklamong usurpation of authority laban sa yumaong dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Sandiganbayan.
Ang nasabing kaso ay isinampa ni dating Ombudsman Conchita Morales laban kay Aquino na may kaugnayan sa madugong top-secret military operation “Oplan Exodus” sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong February 4, 2015.