Suportado raw ng grupo ng mga nurse ang pagpapalawig ng state of calamity sa bansa dahil na rin sa Coronavirus disease 2019.
Ayon kay Philippine Nurses Association president Melvin Miranda, kasunod na rin ito ng panawagan ng Department of Health (DoH) na palawigin pa ng Pangulong Ferdinad “Bongbong” Marcos ang state of calamity sa bansa dahil narito pa rin sa bansa ang nakamamatay na virus.
Nais ng Department of Health (DoH) na mapalawig ang COVID-19 state of calamity ngayong taong 2023.
Para kay Miranda, nararapat lamang umanong mapalawig ang state of calamity dahil kailangan pa ng gobyerno na bumalangkas ng isang batas para sa Center for Disease Control and Prevention sa bansa.
May basehan din umano ang pagpapalawig sa state of calamity dahil sa kasalukuyan ay mayroon pa ring 15,472 active cases sa bansa.
Ipinanawagan din nito sa gobyerno na ibigay na ang hindi na naibibigay na allowances ng mga healthcare workers na nagsilbi sa pamahalaan sa kasagsagan ng pandemic sa bansa,
Base raw kasi sa ibinigay ng Department of Health (DoH)na datos noong buwan ng Nobyembre, nasa 54 percent pa lamang sa target na 98 percent ang nabigyan ng allowances.
Una nang sinabi ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nag-aalangan itong palawigin ang state of calamity sa bansa dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi rin ni Press Undersecretary Cheloy Garafil, na sinabi raw ni Pangulong Marcos na kung tutuusin ay wala na raw ang bansa sa state of calamity.