-- Advertisements --

Nanawagan ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) sa Senado na aprubahan na ang panukalang batas na naglalayong tulungan ang mga private schools sa bansa sa pagbabayad ng buwis.

Umapela si COCOPEA chair Dr. Anthony Jose M. Tamayo sa mataas na kapulungan na aprubahan na ang Senate Bill No. 2272 na inihain ni Sen. Sonny Angara.

Sa oras kasi aniya na maging ganap nang batas ang panukalang ito, mas matututukan nila ang pagtupad sa kanilang mission tulad ng sa public sector hinggil sa edukasyon ng sambayanang Pilipino para na rin sa nation-building lalo pa ngayong mayroong COVID-19 pandemic.

Layon ng panukala kasi na amiyendahan ang National Internal Revenue Code (NIRC) para matukoy ang tax rates ng mga proprietory schools upang sa gayon ay makapag-avail sila ng preferential tax rate na 10 percent.

Magugunita na sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) Law, binawasan ito at ginawang 1 percent hanggang sa Hunyo 2023.

Magugunita na kamakailan lang, naglabas ng regulasyon ang BIR na nagtataas sa tax rate ng proprietary private educational institutions sa 25 percent mula sa 10 percent.

Sinuspinde na rin naman ng BIR ang direktiba na nagtataas sa naturang tax rate sa mga private schools matapos na batiuksin ng ilang mga mambabatas, na nagsabi na ito ay paglabag sa diwa ng CREATE.

Sinabi ni Tamayo na kung maipatupad ang 25 percent rate, maraming mga paaralan ang magsasara.