Suportado ng grupo ng mga negosyante ang ginagawang hakbang ng gobyerno para makakuha ng alternatibong suplay ng langis at ilang kaparaanan dahil sa krisis na nararanasan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa pinagsamang pahayag ng mga grupong Philippine Chamber of Commerce and Industry, Management Association of the Philippines, Federation of Philippine Industries, Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, at Makati Business Club na ang pagtaas ng presyo ng produktong langis ay maituturing na seryosong banta sa ekonomiya at kapakanan ng mga mamimili.
Ibinahagi na rin nila ang mga hakbang na dapat gawin ng gobyerno noong nagpatawag ng pagpupulong si Finance Secretary Frederick Go.
Kabilang sa mga suhestiyon nila ay ang pagkakaroon ng government-to-government procurement deals sa mga nontraditional partners gaya sa Russia, India at Indonesia.
Umaasa ang grupo na makagawa agad ng hakbang ang gobyerno para maibsan ang hirap na iniinda ng mga mamamayan.
















