Pinabulaanan ngayon ng isang grupo ng mga guro ang naging pahayag ng Department of Education (DepEd) na naging “very smooth” ang unang linggo ng balik-eskwela sa bansa.
Ito ay matapos umano na makaranas ang maraming mga guro at estudyante ng iba’t-ibang problema sa muling pagbubukas ng mga klase noong Lunes, August 22.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson Vladimer Quetua, ang pahayag na ito ng DepEd ay tila pagbabalewala at pagtatakip sa mga valued concerns ng mga guro at estudyante.
Sinabi rin niya na maituturing na “premature” ang sinabi ng kagawaran na naging matagumpay ang mga unang linggo ng klase dahil hindi aniya matatago na hindi pa talaga handa ang mga paaralan sa muling pagbubukas nito para sa face to face classes.
Maraming mga paaralan pa rin daw kasi ang nagsisiksikan ang mga estudyante sa mga silid-aralan, kulang-kulang na mga upuan, binabahang eskwelahan, ilang mga pasilidad na hindi pa tapos ang pagkakayari, at marami pang iba.
Dahilan ng panawagan ngayon ng nasabing grupo para sa isang ligtas na pagbabalik eskwela kung saan dapat daw gawin sa paraang ligtas at may malinaw at konkretong plano para sa muling pagbangon ng edukasyin sa bansa mula sa krisis na idinulot ng pandemya.










