Bagsak ang grado na ibinigay ng grupo ng mga guro na Alliance of Concerned Teachers (ACT) para kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kabiguan nitong tuparin ang pangako para sa education stakeholders.
Ginawa ito ng grupo halos isang linggo bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa darating na Hulyo 26.
Ayon kay ACT secretary-general Raymond Basilio, natapos lang ang school year 2020-2021 pero hindi naman natapos ang problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon bunsod ng sistematikong pagpapabaya ng kasalukuyang administrasyon.
Inihalimbawa ni Basilio sa mga nagpapahirap sa education sector ang budget cuts at ang mahinang diskarte ng mga opisyal sa education department.
Naniniwala sila na ang mga ito rin ang siyang dahilan kung bakit lumala ang estado ng edukasyon sa bansa sa nakalipas na limang taon.
Lalo ngang nakita ang mga problemang ito nang nagkaroon ng COVID-19 pandemic, kung saan overworked at underpaid ang mga guro bukod pa sa luma na ang mga pasilidad ng mga paaralan.
Bukod dito, ilan pang mga private school teachers ang nananatili pa rin sa contractual basis hanggang sa kasalukuyan.