-- Advertisements --
bigas

Binigyang-diin ng grupo ng magsasaka na hindi ito sang-ayon sa panukalang pagbabawas ng taripa ng Department of Finance (DOF) dahil maaaring magtaas ito ng presyo ng inangkat na bigas.

Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura CHairman Rosendo So, hindi sila pabor para sa pagpapababa ng taripa ng bigas.

Kung matatandaan, sinabi kasi ni DOF Secretary Benjamin Diokno noong nakaraang linggo na ang kanyang departamento ay nagmumungkahi na pansamantalang bawasan ang 35% rice import tariff rates sa 0 percent o maximum na 10% para mapigil ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Ayon kay So, hindi magiging maganda ang epekto nito sa ating bansa.

Aniya, kung babawasan ang taripa ay malamang bibili pa ang Pilipinas ng supply nito na maaaring maging dahilan na tataasan ng Thailand at Vietnam ang kanilang mga presyo.

Sinabi ni So na sa halip na ibaba ang taripa, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka ng palay.

Sinabi niya na mayroon pa ring mga koleksyon ng taripa mula noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng ₱12 bilyon na magagamit sa pamamahagi ng ₱5,000 subsidy bawat magsasaka.

Giit pa niya, kung magpapatuloy umano ang pagtatanim mula Oktubre hanggang Disyembre, sapat na ang lokal na ani hanggang Hulyo 2024.