-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang itinuturing spotter at recruiter ng Dawlah Islamiyah terror group matapos itong tamaan ng bala sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga ito at otoridad sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Police Lt. Redin Cuevas, deputy chief of police ng Polomolok, South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Cuevas, inireport sa kanilang himpilan nakita sa bahagi ng Rancho Buenaventura sa Brgy. Aflek, T’Boli ang target ng warrant of arrest na sina Esmael Sambial kasama ang lider nilang si Zadee Nilong alyas Ali Boy Nilong at nasa 15 mga armadong kalalakihan.

Batay sa impormasyon ng Polomolok PNP, nang matunogan ng mga suspek ang presensiya ng mga otoridad ay tumakas ang mga ito papuntang Sitio Bio, Brgy. Lapu at nakipagpalitan ng putok sa mga otoridad na tumagal ng 10 minuto.

Tinamaan si Sambial at isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang kalibre 38 na revolver, mga bala, pin ng granada, isang pakete ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia, mga ID at personal na kagamitan.

Habang itinurn-over naman sa Provincial Explosive Ordnance Disposal Unit (PEOD) ang isang rifle grenade.

Nabatid na si Sambial ay nagsisilbi umanong spotter ng Ali Boy Nilong terror group at responsable sa pagre-recruit sa Brgy. Basag sa Tboli, at sa ibang barangay sa Polomolok.

Sangkot rin ang nasabing suspek sa ilegal na droga.

Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis ng mga otoridad sa mga tumakas na kasamahan ng mga suspek.