Reading Time: 1 minute

Arestado ang dalawang drug suspek sa ikinasang buy bust operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng 36th St. Bonifacio Global City, Taguig City.

Kinilala ni PDEA deputy Director General Aaron Aquino ang mga nahuli na sina Aaron Cruz, 25-anyos, residente ng MPlace Condominium sa Mother Ignacia, Quezon City; at Geraldine Vitto, 22-anyos na residente ng BLK 12, Welfare Villa Compound sa Mandaluyong City.

Nakuha sa mga suspek ang 84 na pirasong ecstasy tablet, walong bote ng liquid ecstasy, walong medium pack ng umano’y cocaine na may estimated value ng P1 million.

Nabatid na ilang linggo rin isinailalim sa surveillance ang mga suspek.

Batay sa report, si Cruz ay grand finalist ng isang talent search sa sikat na noontime show, freelance model, at endorser ng iba’t-ibang produkto sa television commercials.

Aminado naman si Geraldine na sa kanya nakuha ang party drugs pero napag-utusan lang daw siya at hindi niya alam na droga ang kanyang dala.

Tinutukoy na ng PDEA kung sino ang supplier ng mga suspek na kapwa sasampahan ng kasong paglabag sa iligal drugs.