BACOLOD CITY – Kusang sumuko ang isang pulis na nakapatay sa isang Grade 9 student sa Bago City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Captain Reynaldo Severino, deputy chief ng Bago City Police Station, ilang kabataan na hinahabol ng isang grupo ng mga bata ang humingi ng tulong kay Patrolman Richard Rites habang ito ay nasa kanilang tindahan sa Barangay Taloc kagabi.

Dahil armado aniya ang humahabol na grupo, pinapasok ni Rites ang mga bata sa kanilang bahay ngunit sumugod din dito ang 17-anyos na biktima at limang kasamahan.

Sinipa ng mga bata ang pintuan nina Rites hanggang nakapasok ang mga ito sa kanilang kusina.

Nagpakilala rin umano si Rites na pulis ngunit hindi nakinig ang grupo ng biktima.

Nagtago si Rites sa kanilang kuwarto kasama ang tinulungang mga bata ngunit pagbukas nito ng pintuan, tinutukan ito ng Grade 9 ng baril kaya’t kanya na raw itong inunahan.

Nakatakbo pa ang grupo ng biktima ngunit tinamaan pala ang menor de edad sa dibdib na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Dala ang kanyang .9mm service firearm, sumuko sa Bago City Police Station si Rites.

Ang pulis ay miyembro ng Regional Mobile Force Company at assigned sa Barangay Taft, Tapaz, Capiz.