CEBU CITY – Wala pa rin sa mga otoridad ang autopsy report hinggil sa pagpapakamatay umano ng suspek sa Silawan-slay case sa loob ng selda nito sa Lapu-Lapu City Jail sa Cebu.
Ito’y matapos na natagpuang patay ang suspek sa pagpatay kay Christine Lee Silawan na si Renato Llenes noong Mayo 24 ng umaga sa isang infirmary.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa imbestigador na si Jail Officer I Dennis Balabat, sinabi nito na nagpatiwakal daw si Llenes gamit ang improvised na tali na gawa sa retaso ng kanyang damit.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na hindi namalayan ng tatlong kasamahan sa infirmary ang nangyari kay Llenes hanggang sa naabutan nilang wala itong buhay sa loob ng palikuran sa selda.
Dinala nila sa pagamutan ang nasabing inmate ngunit binawian na ng buhay kinalaunan at idineklarang dead on arrival.
Sinabi rin ni Balabat na nagbigay pa si Llenes ng kanyang mga damit sa mga kasamahan nito, ilang oras bago pa naganap ang insidente.
Napag-alamang pinasok sa infirmary sa Lapu-Lapu City Jail ang suspek na pumatay sa dalagita na si Llenes dahil daw sa mga natatanggap nitong banta sa buhay.
Kung maaalala, si Llenes ay ang tinuturong suspek sa pagpatay ng dalagitang si Silawan kung saan pinatay at binalatan pa ang mukha nito noong Marso 2019 sa Lungsod ng Lapu-Lapu