-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Bigyang ‘genuine government relief’ at hindi pagpapautangin ng gobyerno ang mga magsasaka na direktang apektado sa epekto ng El Niño phenomenon na matinding tumama sa bansa.

Ito ang panibagong pagkalampag sa grupo ni Cathy Estavillo na Bantay Bigas patungkol sa lumalaki pa na danyos ng agrikultura na halos tatlong bilyong piso na.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Estavillo na hindi pagtulong bagkus ay lalo pinahirapan ng pambansang pamahalaan ang mga magsasaka dahil pautang lang ng tig-25,000 pesos ang kaya nito para kunwari ibsan ang paghihirap ng agriculture sector.

Aniya, sa halip na iahon mula sa pagkalugmok ng mga magsasaka dahil sa tindi na epekto ng tag-init ay papautangin lang ng gobyerno at patawan ng interes pagkatapos ng limang taon.

Magugunitang dismayado ang mga magsasaka na hindi na nga natupad ang tig-P20 kada-kilo na bigas na pangako ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ay nag-numero uno pa ito bilang rice importer sa buong mundo ng taong kasalukuyan.