Hindi dahilan ang 9.5% contraction sa gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2020 para magtipid ang pamahalaan ngayong 2021 dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Quimbo na sa katunayan ang dapat gawin ngayon ng pamahalaan ay lalo pang gumastos para masindihan ang ekonomiya ng bansa.
Kulang aniya ang P165 billion na ginastos ng pamahalaan sa mga ayuda na ibinigay nito sa mga apektado ng COVID-19 pandemic, kasama na tulong sa mga maliliit na negosyo, kung ikukumpara sa P3.2 trillion na nawala sa ekonomiya.
Iginiit ni Quimbo na ang pinakamagandang gawin sa ngayon ay magkaroon pa ulit ng isa pang Bayanihan Law o economic stimulus na magpapahintulot sa gobyerno na gumastos pa lalo sa ayuda sa mga mamamayan at negosyo.
Kamakailan lang ay inihain ni Quimbo ang kanyang bersyon ng Bayanihan 3 na nagkakahalaga ng P400 billion.
Wala naman aniyang problema na gumastos pa lalo ang pamahalaan lalo pa at malaki naman ang inutang ng pamahalaan mula sa international at domestic lending bodies o sources.
Hindi rin aniya ito dapat ikabahala ang pagbayad sa mga utang na ito dahil nanatili naman sa “very good” ang credit rating ng Pilipinas.
















