Magsasagawa ng komprehensibong pag-aaral ang Governance Commission for Government-Owned or-Controlled Corporations (GCG) sa mga mandato at pamamalakad ng state-run corporations sa ilalim ng hurisdiksiyon nito para matukoy kung irerekomenda ang mga ito na buwagin na, pagsamahin na lamang o di naman kaya ay pananatilihin na lamang.
Sinabi ng naturang ahensiya na layunin ng naturang pag-aaral na ma-assess ang economic viability, responsiveness sa mga pangangailangan ng publiko at consistency sa national developement policies at programs ng state run corporations.
Kabilang sa review process ang konsultasyon sa Government-Owned or-Controlled Corporations at concerned stakeholders, pag-review ng charters ng GOCCs, scorecards at assessment ng data sa kanilang kontribusyon sa national development.
Nasa kabuuang 118 Government-Owned or-Controlled Corporations ang nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Governance Commission for GOCCs (GCG) kabilang dito ang 27 GFIs; 22 may kaugnayan sa trade, area development, at tourism; 18 sa utilities and communications; 18 realty and holding companies; 13 firms sa agriculture, fisheries, and food; 12 sa energy and materials; 5 sa education and culture; 2 sa gaming at isa sa health care services.
Ang magiging resulta aniya ng kanilang pag-aaral gayundin ang mga rekomendasyon ay isusumite sa Kongreso para sa konsiderasyon sa pagbalangkas, pagrepaso o pagbabago ng charters ng GOCCs.
Kabilang dito ang rekomendasyon kung bubuwagin, pagsasamahin o kung papanatalihin pa ang nasabing government corporations.
Kasabay din ng pagpaso ng ilang charters ng GOCCs, gagawa ng mga rekomendasyon ang Governance Commission for GOCCs kung papalawigin o hindi na ang kanilang charters.
Ayon kay Governance Commission for GOCCs Chairperson Alex Quiroz, ang marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay magkaroon ng righsizing at transparency para mapangalagaan ang mahigit P10 trillion assets ng ahensiya at maiwasan ang pagwawaldas ng kaban ng bayan.