-- Advertisements --

Hindi sang-ayon si New York Governor Andrew Cuomo sa suhestyon ni President Donald Trump na magpatupad ng travel ban sa mga New Yorkers na magnanais pumunta ng ibang estado dahil sa banta ng coronavirus outbreak.

Ayon kay Cuomo, hindi umano ito naniniwala na kakailanganin ng kahit anong federal administration na isailalim sa physical lockdown ang kahit anong estado ng bansa. Aniya hindi raw ito legal at magdudulot lamang ito ng kaguluhan sa ekonomiya.

Nagbanta rin si Cuomo na sasampahan niya ng kaso ng Rhode Islad sa oras na harangin nito ang mga New Yorkers na pumasok sa border.

Una nang inanunsyo ng American president na pinaplano umano nitong magpatupad ng quarantine sa New York, New Jersey at Connecticut.

Ang mga nabanggit na estado ang pinaka-apektado ng outbreak.

“Some people would like to see New York quarantined because it’s a hot spot,” saad ni Trump. “I’m thinking about that right now. We might not have to do it, but there’s a possibility that sometime today we’ll do a quarantine.”

Kwento pa ni Cuomo na nag-usap sila ni Trump noong Lunes ngunit hindi nabanggit ng pangulo sa kaniya ang naturang balak nito.

Sa kabila nito ay tutol pa rin si Cuomo sa ideya dahil aniya Civil War pa noong huling beses na ipagbawal ang kahit anong pagkilos sa mga estado.

“It would be a federal declaration of war on states,” ani Cuomo.

Patuloy namang nililimitahan ng ilang gobernador ang bilang ng mga New Yorkers na nagpupunta sa ibang etado sa takot na baka carrier na ang mga ito ng sakit.

Sa huling tala, umabot na ng 52,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa New York at mayroon na rin itong 528 deaths.