-- Advertisements --

Nagpasalamat si Senator Richard Gordon sa kaniyang mga kapwa mambabatas dahil sa pagpasa ng mga ito sa panukalang batas na magpapadali sa proseso at requirements upang makapagbigay ng land titles bilang tulong sa mga rural farmers na setipikahan ang kanilang mga lupa.

Una nang sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 15 ang Senate Bill No. 1931 bilang urgent.

Ito ay upang payagan ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng titulo sa mga public alienable at disposable agricultural lands kahit lumagpas na ang Disyembre 31, 2020.

Ang naturang hakbang ay ginawa rin para siguruhin ang seguridad ng mga tenured land claimants at mga magsasaka.

Nagbigay daan naman ito upang aprubahan ng Senado ang nasabing panukala sa ikalawa at huling pagbasa.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, inaral ng mga senador ng mabuti ang panukala kung kaya’t minadali na nila ang proseso at hindi na ito dumaan pa sa pagtatanong at interpellations.

Labis din ang pasasalamat ni Gordon sa suporta ng Foundation for Economic Freedom (FEF) na ang adbokasiya ay para sa seguridad ng mga tenure, agricultural productivity at well-defined property rights.

Layunin ng Senate Bill No. 1931 na pagtuunan ng pansin ang mga hirap sa pagpapatunay ng pagmamay-ari simula noong 1945 sa pamamagitan ng pagtanggal sa sertipikasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).