-- Advertisements --

Itinuturing na “welcome move” ni Vice Pres. Leni Robredo ang pagtanaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawang tugon ng kanyang tanggapan para makatulong kontra COVID-19.

Ito’y bunsod nang lumabas na opinyon kamakailan ng isang opisyal ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na kumwestyon sa efforts ng Office of the Vice President.

“Ang panahon natin ngayon, extraordinary. Hindi dapat tino-tolerate ‘yung, kahit individual, kahit public official, na siya pa ‘yung nagso-sow ng division within the government,” ani Robredo.

Para sa bise presidente, malinaw ang mensahe ng pangulo na nanghihikayat ng pagkakaisa at pagbibigay focus sa sitwasyon, imbis na magpulitikahan.

“Mabuti na sinaway ni Pangulo kasi ‘yun ‘yung mensahe na hindi natin itoto-tolerate ‘yung ganyang pulitika ngayong panahon na dapat nagkakaisa,” dagdag ng pangalawang pangulo.

Pinasibak ni Duterte si PACC commissioner Manuelito Luna sa posisyon matapos akusahan ng pakikipag-kompetensya si Robredo dahil sa ipinapaabot na relief nito.

Una ng nilinaw ng mga opisyal ng PACC na personal na opinyon lang ni Luna ang pahayag at hindi ng buong komisyon.