-- Advertisements --
image 214

Dumipensa ang mga opisyal ng Pilipinas sa mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para maprotektahan ang ating mga kababayang overseas Filipino workers sa Kuwait.

Kasalukuyan kasing nasa Kuwait ngayon ang ilang mga opisyal ng pamahalaan para klaruhin ang kanselasyon ng visa entry ng mga bagong OFWs sa Arab country.

Sa isang statement, sinabi ng gobyerno ng Pilipinas na nakipagkita ang mga senior officials mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) sa kanilang counterparts sa Ministry of Foreign Affairs sa Kuwait para sa bilateral talks na idinaos noong Martes at Miyerkules.

Ipinaliwanag ng delegasyon na ang lahat ng mga aksiyong ginagawa ng Embahada at ng gobyerno ng Pilipinas ay layunin lamang na matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga manggagawang Pilipino na nasa Kuwait.

Ang pagbibigay aniya ng proteksiyon sa ating mga mamamayan sa ibang bansa ay isang tungkulin ng consular offices sa ilalim ng international law at conventions.

Sa naturang pagpupulong, nagpahayag din ang mga opisyal ng Pilipinas ng buong paggalang sa mga batas ng Kuwait at pinasalamatan ang mga opisyal ng nasabing bansa para sa kanilang magandang pakikitungo sa gobyerno at sa mahigit 200,000 manggagawang Pilipino na ikinokonsidera ang Kuwait bilang kanilang ikalawang tahanan.

Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang gobyerno ng Kuwait at Pilipinas sa isyu kaugnay sa entry ban ng mga Pilipino kung saan nasa 800 bagong hire na Filipino workers ang apektado.