-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine Red Cross sa gobyerno ng Pilipinas na dapat ay siguruhin nito na walang sinuman ang magbebenta ng mga pekeng saliva test kits.

Kasabay ito ng mas pinaigting pa na hakbang ng pamahalaan upang kontrolin ang coronavirus disease.

Ayon kay Philippine Red Cross chairman at Chief Executive Officer (CEO) Sen. Richard Gordon na dapat ay hulihin ang sinumang mapapatunayan na nagbebenta ng mga pekeng saliva test kits.

Hinihikayat ngayon nito ang lahat ng concerned agencies na paigtingin pa ang ginagawa nitong paghahanap sa mga indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng mga counterfeit salive test kits.

Nababahala raw kasi si Gordon dahil sukdulan na umano ang ginagawa ng iba para lamang kumita. Kahit daw wala silang permit para magbenta ay nagagawa pa rin nilang mag-alok ng mura at mabilis na test kits.

Una na nitong sinabi na ang mga pekeng COVID-19 saliva test kits ay available na sa merkado, habang ang iba namanay ibinebenta online. Nabatid pa ng ahensya na ilang malls sa National Capital Region (NCR) ay nagbebenta rin nito.

Bwelta pa ni Gordon, tila masyado raw maluwag ang Department of Health (DOH) kaya may nakakapasok na mga pekeng test kits sa bansa.

Nagkakahalaga ng P2,000 pesos ang saliva test na di-hamak na mas mura kumpara sa RT-PCR swab test na nagkakahalaga ng P3,800.