-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Parokya Ni Edgar frontman Chito Miranda na kanilang isusubasta ang electric guitar na pirmado ng lahat ng miyembro ng Eraserheads.

Ang mapagbebentahan sa nasabing gitara ay ibibigay para sa pagpapagamot ng gitarista nila na si Gab Chee Kee.

Sa social media account ni Miranda ay ipinost ang larawan na kulay berde na gitara kasama ang bandang Eraserheads.

Ang D&D electric guitar ay dinesenyo mismo ni Gab kung saan paborito niya ang kulay green lalo ang superhero na si Green Lantern.

Kuwento pa ni Chito na si Gab mismo ang nagpakilala sa kaniya ng musika ng Eraserheads kung saan noong 3rd year high school pa lamang sila ay doon na narinig ang mga kanta nila.

Magsisimula ang bidding sa Pebrero 4 na ito ay tatakbo ng 10 araw.

Ang inisyal na bid ay P50,000 kung saan inilagay din ng singer ang mga detalye sa paraan ng pag-bid sa nasabing gitara.

Magugunitang noong Enero ay inanunsiyo ng PnE frontman na nasa pagamutan ang gitarista nila dahil sa pneumonia na nagkaroon ng kumplikasyon na dala ng kanilang lymphoma.

Inilipat na ito sa ICU at naka-intubate na ito ng ilang linggo.