NAGA CITY – Labis ang pagluluksa ngayon ng naiwang mga anak ng isang ginang na timaan ng kidlat sa Tarusanan, Milaor, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Sonia Petronio, 57-anyos, residente ng Zone 4, Tarosanan, Camaligan sa nasabing lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Wilfredo Saliot Jr., investigator ng Milaor Municipal Police Station, sinabi nito na emosyonal na ibinahagi ng kasama ng biktima na si Mila Francisco, ang pangyayari kung saan dakong alas-2 umano ng hapon kahapon, Agosto 23, 2023 nang mangyari ang insidente.
Nagpapahinga umano ang mga ito sa kamalig sa ilalim ng puno ng saging mula sa pagtatanim sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Ngunit ng alukin na ito ni Francisco para umalis na, nakita na lamang nito na nakahandusay na sa lupa si Petronio at pawang wala nang buhay dahil natamaan na pala ito ng kidlat.
Agad naman umano itong humingi ng tulong at dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival ng doktor.
Napag-alaman pa na nakiusap lamang ang biktima sa kaklase na may-ari ng taniman para makisaka dahil kapos at mayroon itong kailangang bayaran.
Naiwan naman ni Petronio ang lima nitong mga anak na labis ang pagluluksa sa pagkawala ng kanilang nanay.
Samantala, ayon kay Saliot, ito na rin ang ikalawang insidente kung saan mayroong binawian ng buhay sa nasabi ring bayan ngayong buwan dahil sa kidlat.
Mababatid kasi na noong Agosto 10 sa parehong taon, isa ring padre de pamilya ang binawian ng buhay sa Dalipay, Milaor matapos tamaan ng kidlat habang nagpapahinga at nagbabantay ng patubig sa kasagsagan ng malakas na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.
Sa ngayon, paalala na lamang ng opisyal na iwasan ang paglabas ng bahay lalo na kung masama ang kalagayan ng panahon at lumayo sa pwedeng gapangan ng kidlat para maiwasan ang kaparehas na insidente.