LEGAZPI CITY – Nakatanggap ng paghanga mula sa publiko ang kapulisan ng Rapu-Rapu Municipal Police Station (MPS) na tumulong sa isang ginang matapos inabutan ng panganganak sa loob ng bangka sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Capt. Joenel Moratalla, hepe ng Rapu-Rapu Municipal Police Station, kinilala ang ginang na si Cornelia Ludovice na tumatawid ng dagat lulan ng bangka mula sa Barangay Buenavista papunta sa Rapu-Rapu District Hospital.
Subalit pagdating sa pantalan, dito na inabutan ng panganganak ang ginang kaya agad na rumesponde ang mga tauhan ng Rapu-Rapu MPS na naka-duty sa pier.
Sinaklolohan nila ang ginang sa panganganak nito saka tinulungan maisakay sa ambulansya at maidala sa ospital.
Laking pasasalamat naman ng mga kaanak ng ginang dahil ligtas na naisilang ang sanggol.
Nabatid na hindi ito ang unang beses na rumesponde ang Rapu-Rapu MPS sa kaparehong insidente dahil may ilang ginang na rin ang inaabutan ng panganganak sa dagat dahil sa layo ng kailangan lakbayin papuntang ospital.