Arestado ng Bureau of Immigration (BI) sa Mindanao ang isang convicted German pedophile na wanted sa kanyang bansa dahil sa mga criminal sex offenses.

Ayon kay Commissioner Jaime Morente, ang suspek ay kinilalang si Alfons Hermann Keittl, 71 na naaresto sa Ozamis City, Misamic Occidental sa pamamagitan ng BI fugitive search unit (FSU).

Sinabi ni Morente na hiniling ng German embassy sa Manila ang pagpapa-deport sa banyaga kayat agad inalerto ang BI.

May arrest warrant din umanong inilabas ang isang local court sa Landshut, Germany laban sa pugante noong buwan ng Hulyo.

Napag-alamang convicted si Keittl ng aggravated child abuse matapos mambiktima ng tatlong katao at sangkot din sa mahigit 200 iba pang kaso dahil sa daan-daang child pornographic images at videos.

Una rito, narekober sa suspek ang 190 child pornography images, 112 child pornography videos, 28 adolescent pornography images at 10 adolescent pornography videos.

Nilabag din umano ng suspek ang kondisyon ng kanyang probation dahil sa hindi pagsunod sa court order na dapat ay hindi ito pupunta sa mga paaralan, swimming pools at mga pasilidad ng mga bata na nasa loob ng 100 meters.

Nakatakda nang ipa-deport ang banyaga dahil posibleng maging banta ito sa kaligtasan ng mga kabataan sa Pilipinas.

“We will deport him immediately as his presence here poses a serious threat to the lives and safety of our Filipino children. And to ensure that he does not return, we will put him in our blacklist,” wika ni Morente.