CAUAYAN CITY – Idinawit ng magpinsang suspek sa pagbaril at pagpatay sa internal audit manager ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO-II) ang mismong general manager at board of director ng kooperatiba.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Col Julio Go, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na maituturing nang solved case ang pagpatay kay Mrs. Agnes Palce, internal audit manager ng ISELCO II at asawa ng isang hukom.
Una rito, pauwi na si Gng. Palce noong hapon ng May 25, 2022 sakay ng isang Toyota Innova nang barilin ng riding-in-tandem suspects sa harapan ng isang gasolinahan sa San Felipe, city of Ilagan.
Noong Mayo 28, 2022 ay sinampahan na ng kasong murder ang gunman na si Barry Bulan at pinsan na si Jervy Bulan, kapwa residente ng Calamagui 1st, Ilagan City.
Kasamang kinasuhan sina general manager David Solomon Siquian at board of director na si Michael Paguirigan, tiyuhin ni Barry Bulan.
Ayon kay Col. Go, batay sa extra-judicial confession ng gunman, ang nag-utos umano na patayin si Gng. Palce ay sina Siquian at Paguirigan.
May kinalaman umano ito sa trabaho ni Gng. Place bilang internal audit manager.
Sinasabing may mga natuklasang anomalya sa electric cooperative na pinamumunuan ni Siquian.
Sa pagkuha naman ng Bombo Radyo Cauayan sa panig ni GM Siquian, sinabi niya na advise ng kanyang abogado na sa korte na lang niya sasagutin ang akusasyon laban sa kanya.