Nakatakdang magsagawa ng kaukulang inspeksyon ang Department of Energy (DOE) sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ito ay kaugnay sa halos dumoble umanong singil sa presyo ng produktong petrolyo sa ilan sa mga nasabing lugar.
Ayon kay DOE Director of Oil Industry Management Bureau Atty. Rino Abad, magsasagawa ng actual gasoline station inspection ang kagawaran sa mga apektadong lugar.
Napagdesisyunan na rin aniya ng ahensya na mismong ang DOE na ang magtatatag ng verified price sa mga gasoline station.
Paliwanag ni Atty. Abad, mahaharap sa kaukulang kaparusahan ang sinumang mahuling nagtakda ng sobrang presyo sa kerosene at household liquefied petroleum gas.
Dagdag nito, may mga batas tulad ng Price Act at Consumer Act na may probisyon na magpataw ng parusa gaya ng pagmumulta at pagkakakulong sa sinumang lumabag dito.
Kung maaalala, kamakailan lang ay nilinaw ng mga kinauukulan na hindi dapat kabilang sa itinakdang pinakabagong oil price hike ang mga lugar na pininsala ng Bagyong Odette.