Nakikipag-ugnayan na ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa mga katuwang na ahensya sa layuning matiyak na nagagamit ang wikang Filipino sa panahon ng pandemya.
Nakasentro ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon sa kahalagahan ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bílang pinakamabisang sandata tungo sa pagkakaroon ng pag-uunawaan ng sambayanan.
Para sa KWF, maliban sa pagdiskubre ng bakuna ay may malaking papel din ang wikang sinasalita sa isang pamayanan na siyang tulay sa kamalayan o awareness ng bawat tao ukol sa virus.
Mas epektibo anilang maipaparating sa sambayanan kung sa wikang komportable sila makakatanggap ng updates, kompara sa banyagang pananalita.
Una nang inihayag ni KWF Commissioner Arthur Casanova sa Laging Handa briefing nitong weekend na isinasalin na nila sa mga katutubo at regional na wika ang mga impormasyong nakakalap tungkol sa coronavirus.
Sa ngayon aniya, 10 wika na ang mga infographic na may kinalaman sa coronavirus at patuloy ang isinasagawang pagsasalin dito.
“Gamitin ang wikang Filipino, kasabay ng paggamit ng iba pang katutubong wika sa kani-kanilang lugar para mas mapabilis at higit na maunawaan ang mga impormasyon at kabatiran hinggil sa pandemya,” ani Casanova.
Samantala, iniisa-isa ng komisyon ang mga kahulugan ng bawat guhit sa poster ng Buwan ng Wika 2020.
“Ang bangka na sumasagisag sa sambayanang Filipino at ang mga lulan nitó ay
kumakatawan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.”
“Ang pagsagwan na sumasagisag sa BAYANIHAN sapagkat hindi itó gawaing
mag-isa kundi sáma-sáma.”
“Ang mga alon ay pagsubok (pandemya) na iláng ulit kinaharap ng bansa sa iba’t
ibang yugto ng kasaysayan nitó bágo ang COVID-19 gaya ng (kolera (panahon ni
Rizal), tuberculosis (pre at post WWII), Spanish flu, SARS (2003),
Meningococcimia (2005), Ebola (2009), AH1N1 (2009), MERS (2015), at nitó
lámang nakaraang taón ay muling nagbalik ang tákot sa tigdas at polyo na
matagal nang nawala.”
“Ang sagwán ay simbolo ng mga katutubong wika na siyang pangunahing
kasangkapan sa pagtutulungan ng mga nakasakay sa bangka upang makarating sa
paroroonan nang mabilis, matiwasay, at ligtas.”