Tiniyak ni Vaccine Czar Carlito Galvez na mayroong “fair mix” ang publiko para sa mapagpipiliang bakuna kontra COVID-19.
Sa pagdinig ng House committee on health nitong umaga, sinabi ni Galvez na kinukonsidera nila ang lahat ng mga bakuna na iniendorso ng vaccine expert panel at iyong nabigyan ng emergency use authorization.
Paglilinaw ito ni Galvez matapos sabihin ng ilang kritiko na tila pinapaburan ng pamahalaan ang bakuna na gawa ng Sinovac ng China.
Bingiyan diin ni Galvez na hindi namimili ang govyerno sa kung anong bansa at brand ng COVID-19 vaccine ang kukunin gamitin sa vaccination program.
Sinabi ng kalihim na pitong kompanya mula sa iba’t ibang bansa ang kinukonsidera nila sa kukunin na 148 million dozes ng COVID-19 vaccine para sa kasalukuyang taon.
Aminado si Galvez na pahirapan ang pagkuha nang supply ng bakuna kontra COVID-19 lalo pa at 80 percent ng global supply ay nakuha na ng mga mayayamang bansa.
Pero tiniyak nito na hindi naman mapag-iiwanan ang Pilipinas dahil sinusunod ng bansa ang pooling demand upang makakuha maraming supply ng COVID-19 vaccines.
Sa oras na dumating na sa Pilipinas ang supplu ng COVID-19 vaccines, sinabi ni Galvez na abot kaya ang magiging presyuhan dito alinsunod na rin sa atas ng World Health Organization sa mga manufacturers na huwag masyadong mahal ang pagbebenta sa kanilang mga bakuna.