Mananatiling pinuno ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) hanggang sa katapusan ng taong ito si Secretary Carlito Galvez Jr. upang matiyak na walang magiging interruption o pagkagambala sa mga programa at aktibidad ng usapang kapayapaan.
Ang memorandum order na natanggap ng OPAPRU mula sa Office of the President ay nilagdaan ni Executive Secretary Vic Rodriguez na nagbibigay ng awtorisasyon kay Galvez na “magpatuloy sa panunungkulan sa isang holdover capacity hanggang Disyembre 31, o hanggang sa ang kanyang kapalit ay itinalaga, alinman ang mauna, maliban kung siya ay muling italaga pansamantala.”
Sa kanyang mensahe bilang pagdiriwang ng Eid al-Adha, sinabi ni Galvez na determinado ang administrasyong Marcos na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng komprehensibong prosesong pangkapayapaan ng Pilipinas, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.