Hindi muna inaksyunan at wala pang desisyon ang mga mahistro ng Korte Suprema kaugnay sa petisyon na humihiling na maglabas ng gag order kaugnay sa usapin ng nakaambang expiration ng prangkisa ng ABS-CBN.
Magugunitang dumulog sa Supreme Court (SC) ang Office of the Solicitor General at hiniling nito ang gag order para pigilan ang pagtalakay o pag-usapan sa media ang nakabinbing quo warranto petition na magpapawalang bisa sa network franchise ng ABS-CBN.
Gayunman ay idinaos pa rin ng mga SC Justices ang kanilang regular en banc session kanina pero hindi na ibinunyag kung ano-anong mga isyu ang kabilang sa agenda o mga natalakay.
Samantala ayon naman sa source mula sa SC ay ilalabas naman ang SC decision sa April 14 kasabay ng idaraos nilang regular en banc summer session sa Baguio City.
Kasabay nito, nagpadala rin si SC Spokesperson Brian Hosaka ay kinumpirma nitong patuloy pa rin ang deliberasyon ng mga mahistrado sa naturang issue.
Aniya, ang ABS-CBN issue ay naka-agenda sa summer en banc session ng kataas-taasang hukuman sa City of Pines.
“Yes, I confirm that the deliberations by the court on the ABS CBN Quo Warranto petition is still on going. The case will again be included in the agenda of the court on April 14, 2020 when it starts its summer session in Baguio. The Justices need more time to further study the case. Thank you,” ani Hosaka.
Maliban sa ABS-CBN quo warranto issue ay kasama ring naka-agenda sa Baguio City ang Visiting Forces Agreement (VFA) termination case.