Ikinababahala ng Gabriela Women’s Party ang umano’y lalo pang pagtaas ng bilang ng mga millenial at Generation z sa bansa na pumapasok sa mga additional jobs, upang makaraos lamang.
Ginawa ni Gabriela Representative Arlene Brosas ang pahayag kasunod ng lumabas na resulta ng survey na nagsasabing dumarami ang bilang ng mga Filipino millennials at Gen Z’s na napipilitang pinagsasabay ang ibat ibang mga trabaho dahil sa umanoy pangamba ng mga ito na hindi nila maitawid ang kanilang mga gastos at pangangailangan.
Apela ng kongresista sa pamahalaan at sa mga employers na kailangan nang matugunan ang problema o pangambang ito ng mga kabataan sa pamamagitan ng mas mataas na pasahod, kasama na an pagtiyak sa seguridad ng kanilang mga trabaho.
Kung mabibigyan aniya ng pamahalaan ng sapat at mataas na sahod ang mga manggagawa, ay tiyak na hindi na nila kailangan pang pumasok sa ibat ibang trabaho o pinagsasabay ang mga sinusuong na trabaho.
Kasabay nito, muling umapela ang mambabatas na suportahan ang panawagan ng Makabayan Block na mas mataas na minimum wage para sa mga empleyado at mga mangagawa sa buong bansa, dahil sa ito ang kailangan ngayon ng mga Pilipino, na pinipilit pa ring bumangon mula sa pandemiya.