-- Advertisements --

Nananawagan si Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong sa Metro Pacific Tollways (MPT) na ipagpaliban sa Enero 2021 ang pagpapatupad ng fully automated collection sa mga pinatatakbong tollways.

Binigyan diin ni Ong na hindi napapanahon na sa Nobyembre 2, 2020 na sisimulan ang hakbang na ito ng MPT sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at Manila-Cavite Expressway gayong nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.

Nangangamba si Ong na daan-daang mga toll collectors ang maaring mawalan ng trabaho sa oras na matuloy ang naturang hakbang.

Bukod dito, marami rin aniyang mga motorisda ang tumatanggi ngayon na magpakabit ng RFID tags at gumamit ng iba pang electronic toll cards sapagkat may mga kanya-kanyang RFID at easy pass lanes ang mga toll operators na hindi naman magkakaugnay.

Paglilinaw ng kongresista, hindi siya tutol sa cashless toll operation, subalit mahalaga aniya na gawin na lamang ito sa oras na integrated na ang electronic toll collection system ng mga expressway operators.

Kinalampag naman din nito ang Toll Regulatory Board sa planong ito ng MPT.