-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Speaker Mujiv Hataman na magkaroon ng ng “full-scale, independent, and exhaustive” investigation sa pagkakapaslang sa siyam na sibilyan sa gun attack sa Kabacan, Cotabato nitong weekend.

Iginiit ni Hataman na dapat alamin ng mga awtoridad ang pinaka-ugat ng insidenteng ito at panagutin ang mga nasa likod nito.

Mababatid na noong Agosto 29, isang grupo ng mga kalalakihan na hindi pa natutukoy sa ngayon ang pagkakakilanlan ang nagpaputok ng baril sa mga motorcycle riders malapit sa University of Southern Mindanao, na ikinasawi ng siyam katao.

Binigyan diin ni Hataman na dapat malaman kung ano ang tunay na nangyari, tugisin at ikulong ang mga salarin, at bigyan ng hustisya ang mga biktima at mga naiwang pamilya ng mga ito.

Ikinalungkot ni Hataman ang insidenteng ito, na nangyari wala pa isang linggo makalipas ang nangyaring magkahiwalay na pagsabog sa Jolo, Sulu na kumitil naman sa buhay ng nasa 14 katao, kabilang na ang mga pulis at sundalo.