Narekober na ng Philippine Air Force (PAF) retrieval team ang bangkay ng anim na aircrew mula sa bumagsak na Black Hawk helicopter sa Capas, Tarlac, nitong June 24.
Ayon kay PAF spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano, nakompleto na ang isinagawang retrieval operations para sa mga aircrew ng S70i Black Hawk helicopter subalit nagpapatuloy pa rin ang recovery sa bumagsak na aircraft.
Sinabi ni Mariano ang labi ng anim na aircrew ay dumating nitong Lunes ng hapon, June 28, sa Clark Air Base sa Pampanga at binigyan ng full military honors.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PAF commanding general Lt. Gen. Allen Paredes sa pamilya ng mga nasawing airmen na nakilalang sina:
- LTC Rexzon Pasco – instructor pilot
- MAJ Jayrold Constantino – student pilot
- MAJ Ereno Belen – student pilot
- Msgt Ronnie Reducto – instructor scanner
- Tsg Maricar Laygo – student scanner
- Sgt. Leonardo Tandingan – student scanner
Una nang binisita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga namatay na aircrew ang labi ay iuuwi sa kani-kanilang probinsiya alinsunod na rin sa kahilingan ng kanilang mga pamilya.
Samantala, siniguro ng Air Force chief na lahat ng kaukulang tulong at suporta ay ibibigay sa mga naulilang pamilya.
Sa ngayon, “grounded” pa rin ang buong fleet ng Black Hawk helicopters habang gumugulong pa ang imbestigasyon.
Una rito, nagsagawa ng night flight proficiency trainings ang Sikorsky S-70i combat utility helicopter nang bumagsak ito.
Ang helicopter ay gawa sa Poland ng PZL Mielec. Nasa 16 units ang binili ng gobyerno na nagkakahalaga ng P12.1 billion.
Una nang na-commission sa service ang anim na units noong 2020, habang dumating naman ang ikalawang batch ng Black Hawks ngayong Hunyo at padating na ang ikatlong batch sa Setyembre.