-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Hindi sapat na dahilan ang isasagawang national transport strike upang magkansela ng face-to-face classes.

Ito ang binigyang-diin Aguedo Fernandez, Schools Division Superintendent, Schools Division Office Dagupan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa posibilidad na pagsali ng ilang drayber sa lungsod sa ikakasang malawakang tigil-pasada ng hanay ng transportasyon sa Metro Manila.

Aniya na magtutuloy-tuloy pa rin ang face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong mga paaralan sa lungsod kasabay ng national transport strike ngayong Lunes at sa mga susunod pang mga araw

Gayunpaman, tiniyak naman nito na nakahanda ang kanilang hanay na mag-adjust sa mga klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ng Dagupan kung sakaling makikilahok ang transport sector ng siyudad sa tigil-pasada na ilulunsad sa Metro Manila simula ngayong araw at kung talagang walang masasakyan ang mga mag-aaral papasok sa kanilang mga paaralan at kagyat na magshi-shift ang face-to-face classes sa online classes.

Kaugnay nito ay inihayag naman ni Fernandez na kinakailangan ng ipatigil ang paggamit ng mga traditional jeepneys kung hindi na tumatakbo ang mga ito ng maayos, subalit kung maganda pa rin naman ang kondisyon ng mga ito ay maaari pa rin naman itong gamitin kung wala pang sapat na pondo ang isang drayber o kung hindi pa nakakasama ang mga ito sa isang kooperatiba at wala pang pambili sa isang modernized unit.