Malaki umano ang magiging epekto sa vaccination program ng maraming bansa ang full approval ng US Food and Drug Administration (FDA) sa COVID-19 vaccine ng Pfizer.
Ayon kay FDA Dir. Eric Dominggo, mas tataas ang kumpiyansa ng maraming tao sa kalidad ng bakuna kapag may kompletong authorization ang isang brand.
Matatandaang lahat ng vaccine ay binigyan lamang ng emergency use authorization (EUA) dahil sa paghahangad na labanan ang pagkalat ng COVID-19 sa buong mundo.
Maliban dito, maaari nang ibenta sa mga botika ang Pfizer vaccine at maaari nang ma-avail ng sinumang gustong bumili na qualified sa ganitong proseso.
Kung sakali naman daw na mag-apply din sa Pilipinas ang naturang kompaniya, posibleng sa loob ng isang buwan ay matapos nila ang pagsusuri at maaaring maaprubahan kung walang makikitang problema.
Gayunman, mananatili pa ring isyu ang supply ng bakuna dahil posibleng tumaas ang demand ng mga bansa sa COVID-19 vaccine na may full approval.