Pasok na sa Round of 16 ang pambansang koponan ng France sa nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026 matapos nilang tambakan ang Sweden, 3-0, sa Round of 32 sa New Jersey Stadium.
Dominado ng Les Bleus ang laban mula pa sa unang kalahati, kung saan binasag ni Kylian Mbappé ang deadlock sa ika-45 minuto sa pamamagitan ng mabilis na sipa mula sa kaliwang bahagi ng penalty area.
Sa ikalawang kalahati, lalo pang nabaon ang Sweden nang maipasok ni Bradley Barcola ang bola sa ika-52 minuto sa tulong ng assist ni Michael Olise.
Sinelyuhan ng France ang panalo sa ika-74 minuto nang muling makapuntos si Mbappé mula sa pasa ni Olise, upang makumpleto ang kanyang brace.
Dahil dito, umakyat na si Mbappé sa ikalawang puwesto sa all-time leading scorers ng FIFA World Cup na may kabuuang 18 goals, isang puntos na lamang ang agwat kay Lionel Messi.
Bukod pa rito, hawak na rin niya ang bagong rekord para sa pinakamaraming knockout-stage goals sa kasaysayan ng torneo na may sampu.
Sunod na makakaharap ng France ang koponan ng Paraguay sa darating na Hulyo 4 para sa Round of 16.
















